Unofficial Filipino Med students’ guide to Tuli (Circumcision) Mission

ni Robert Jao Diokno [Guest post]

Ang pagtutuli ay isa sa mga unang surgical procedure na maaring gawin ng isang medical student dito sa Pilipinas. Matapos kong makasali sa halos limang tuli mission nitong nakaraang mga buwan, nais kong ibahagi ang 10 tips ko sa mga first time na magvo-volunteer sa isang tuli mission.

[PAALALA: Base lamang ito sa aking karanasan, at bukas po ako sa corrections o dagdag na suhestyon na makakatulong sa pagpapabuti ng mga impormasyong nakapaloob sa artikulong ito.]

Tip #1: Aralin kung papaano isinasagawa ang dorsal penile nerve block

Tuli Mission in Dulong Tangke, Valenzuela last May

Mahalagang malaman ng isang first-timer sa pagtutuli kung papaano isinasagawa ang dorsal penile nerve block dahil nakadepende rito ang pagkamanhid ng foreskin habang tinutuli ang pasyente. Napansin ko rin na mas mabilis gumana ang pampamanhid kung tama ang pagkaturok nito. Bukod dito, mahalaga rin na malaman mo kung papaano maiiwasan ang pagturok sa malalaking blood vessel (Pagkatusok ng needle, mag-aspirate muna at tingnan kung may dugo bago magturok ng pampamanhid).

Mga Youtube video na nakatulong sa akin:
1. Dorsal Penile Nerve Block (Viewer Discretion Advised)
2. Dr Warshaw Procedure Day: Priaprism

Tip #2: Manood ng actual tuli procedure sa Youtube, at mag-notes

Malaking tulong kung makikita mo na ang aktwal na proseso ng pagtutuli upang hindi ka na mangapa masyado kapag nasa aktwal na tuli mission ka na. Nakatutulong rin ito upang sanayin ang iyong sarili na makakita ng dugo, at pagugupit ng foreskin ng tao.

Youtube Video na nakatulong sa akin:
1. CIRCUMCISION (HOW I DO IT), DO NOT DO THIS AT HOME

Tip #3: Magpractice gamit ang dissecting/suturing kit

Bilang meron kaming subject na Comparative Anatomy Laboratory noong premed ko, ginamit ko ulit ang luma kong dissecting kit upang magsanay ng pagtutuli sa sponge (Maaari rin gawin sa saging o sa paa ng baboy). Bukod pa rito, maaari ka rin bumili ng suturing kit (yung pang-3rd Year Med Student) upang magsanay.

Tip #4: Siguruhing magsuot ng damit at sapatos na angkop sa tuli mission

Tuli Mission in Bicutan, Paranaque last July

Isa sa mga maaring mangyari habang nagtutuli ay matuluan/matalsikan ng dugo ang iyong damit at sapatos. Maganda kung magsusuot ka ng full scrubs at sapatos na maaring matuluan ng dugo, at madaling linisin pagkatapos ng tuli mission.

Tip #5: Huwag tipirin ang paggamit ng povidone-iodine solution (Betadine) (Pero wag din mag-aksaya haha)

Importante na lagyan ng povidine-iodine solution ang buong ari, at maging ang malaking bahagi ng paligid nito (tulad ng singit, pelvic region, at ilang malapit na bahagi ng upper legs). Kailangan ito upang gawing aseptic ang paligid ng ari, at maiwasan ang kontaminasyon ng sugat mula sa pagtutuli. Ugaliin rin ang paglalagay ng betadine sa sugat bago ito lagyan ng benda.

Tip #6: Habaan ang pasensya, at ituring na parang kapamilya mo ang iyong pasyente

Tandaan na karamihan ng iyong tutuliin ay nasa edad 11-15 (Pediatric Age) kaya habaan ang pasensya. Napansin ko rin na mas magaan ang pagtutuli kapag naka-buo ako ng rapport sa pasyente. Dagdag pa rito, nakatutulong rin kung iniisip mo na kapamilya mo ang batang tinutuli mo upang mas lalong pag-butihan at pag-ingatan ang pagtutuli.

Tip #7: Ugaliing i-double o -triple check kung dumudugo pa ang sugat

Tuli Mission in Ugong Valenzuela last July

Huwag na huwag magpapa-alis ng batang may aktibong pagdurugo pa sa ari. Magsagawa ng dagdag pang tahi hangga’t sa tumigil ang pagdurugo. Humingi rin ng tulong sa supervising doctor o nurse, kung kinakailangan. Tandaan rin na dapat iwasan na magupit o matusok ang glans penis ng bata upang maiwasan ang pagsusugat at pagdurugo nito.

Tip #8: Huwag mahiyang magtanong sa supervising doctor o nurse na kasama sa tuli mission

Sakaling mahirapan ka o makaranas ka ng problema sa anomang parte ng pagtutuli, marapat lamang na humingi ka ng tulong sa Supervising Doctor o Nurse na kasama niyo sa tuli mission upang malaman ang susunod na dapat gawin. Parte ito ng proseso ng pagkatuto upang mas mapabuti mo pa ang iyong kasanayan sa pagtutuli.

Tip #9: Mahalagang i-orient ang pasyente sa mga dapat taandaan pagkatapos matuli

Bilang medical student, mahalagang ipaliwanag sa mga tinuli natin ang mga dapat gawin/iwasan pagkatapos matuli. Narito ang mga kadalasang sinasabi ko sa pasyente:

  1. Linisin lamang ang sugat gamit ang Povidone-Iodine solution (Betadine), o sabon at tubig.
  2. Sundin ang tamang pag-inom ng ibibigay na Antibiotics (upang maiwasan ang impeksyon), at pain reliever.
  3. Iwasang Mabasa ng ihi ang benda.
  4. Iwasan muna ang pagkain ng malalansang pagkain.
  5. Iwasan muna pansamantala ang masyadong paggalaw, at iba pang mga aktibidad tulad basketball, at pagbubuhat ng mabibigat na bagay (maaring abutin ng halos 2 linggo bago gumaling ang sugat)(Kung kaya, maaring maglakad-lakad ng dahan-dahan ang pasyente).
  6. Sakaling walang tigil na dumugo ang sugat pagkauwi, tandaan na dapat pumunta na agad sa pinakamalapit na ospital upang maiwasan ang pagkaubos ng dugo.

Maaari mo rin i-test ang pasyente kung naintindihan niya ang mga sinabi mo sa pamamagitan ng pagtatanong. Pwedeng gawing patanong ang mga nabanggit na mga linya sa itaas (Hal. Anong panlinis ang maaring gamitin sa sugat?)

Tip #10: Mag-reflect sa mga nangyari sa una among tuli mission, at tingnan ang areas for improvement mo.

Mahalagang i-assess mo ang areas for improvement mo sa pagtutuli upang mas mapabuti mo pa ang iyong kakayahan sa mga susunod pang tuli mission. Dagdag pa rito, maganda ring maging observant sa methods ng iba mong kasama sa tuli mission, at i-apply sa sarili mong method yung mga sa tingin mo ay makatutulong upang mas maging maayos pa ang mga susunod mong pagtutuli.

Nawa’y makatulong ang mga payong ito sa unang tuli mission na pupuntahan mo. Good luck at galingan mo, Doc!

Leave a comment